Student feels tambak on the learning process.

#tambak credits from BooM Paness

Pasukan na naman… Karamihan sa mga schools at universities ay nagsimula nitong Hunyo at may ilan na magsisimula sa darating na Agosto. Ilan sa mga estudyante ay nagsisimula nang matambakan ng mga gawain sa eskwela. May ilan na habang maaga pa ay sinisimulan na ito at may ilan na naghihintay pa bago ang mismong deadline. Usong-uso sa mga studyante ang stratehiya na tinatawag na “cramming”. Bukod dito, may mga ilang klase na pakiramdam natin na hindi tayo natututo o para sa atin ay boring. Paano nga ba tayo mas mag-eenjoy sa klase, maiwasan ang mabore at mapalawak ang pagkatuto sa bawat lecture ng teachers natin?

Mahalaga na maunawaan natin ang responsibilidad natin bilang estudyante. Ang pagiging epektibo ng pag-aaral ay nakasalalay sa ating paghahanda bago pumasok, pagiging alerto at attentive sa klase at ang regular na pagre-review ng mga notes natin.

 

Narito ang mga tips na makakatulong na maging epektibo ang pag-aaral habang nasa klase tayo:

Tip #1: Maghanda Bago Pumasok

Ang pagiging epektibo ng ating pag-aaral ay nakasalalay sa ating paghahanda bago pumasok sa eskwela. Kapag handa tayong makinig at matuto, mas magiging makabuluhan ang bawat oras natin sa klase. Ang mga sumusunod na suggestions ay makakatulong sa inyong paghahanda:

  • Kumain ng masustansiyang pagkain– Maraming mga pag-aaral ang nagsasabi na may negatibong epekto sa pag-aaral ang kakulangan sa nutrisyon. Kailangan ng isipan natin ang “glucose” o ang tinatawag na “brain food” upang maging mabisa ang ating isip. Nakukuha ito sa mga kinakain natin. Ayon sa mga pagsusuri, nakakatulong sa kaisipan ang pagkain ng gulay at prutas. Kailangan din ng katawan natin ng carbohydrates mula sa tinapay, kanin, kamote, etc.  Kailangan din ng katawan natin ang protein upang mapanatili ang ating lakas. Naranasan niyo na ba na magutom pagkatapos ng mahabang pag-aaral or pag-eexam? Ito ang isang ebidensiya na kailangan natin ang sapat na nutrisyon upang mas maging malinaw at gumana ang ating isipan.
  • Mag-exercise– Sa mga flag ceremony, kalimitan ay kasama ang exercise. Nakakatulong ito upang maging alerto ang ating isipan at katawan sa buong maghapon. Nakagaganda din ng daloy ng dugo ang ehersisyo. Ang dugo ang nagdadala ng nutrisyon at mga kemikal na kailangan ng ating katawan at isipan. Kahit simpleng stretching lang sa umaga ay makakatulong din.
  • Ihanda ang mga gamit na kailangan– Kagaya ng paghahanda na ginagawa bago magsimula ang pasukan, ugaliing ihanda ang mga gamit na kailangan sa school (hal. Notebook, books, ballpen, pencil, pad paper, typewriting, etc.).
  • Magbasa ng textbook/readings at tapusin ang mga assignments – Kadalasang dahilan ng pagkabore sa klase ay dahil hindi tayo makapag-participate. Isa sa mga dahilan ay dahil hindi tayo handa sa klase. Makakatulong na pag-aralan ng advance o i-review ang mga nakaraang notes upang malaman ang topic na ididiscuss ng teacher sa araw na yon. I-note din ang mga tanong na naisip mo habang nag-aaral ka. Makakatulong ang note-taking upang makapagbahagi ka sa klase o makapagtanong sa teacher kung may topic na naguguluhan ka.

Tip #2: Maging Active Learner sa Klase

Isa sa challenge ng mga estudyante ay ang pakikinig o pagiging alerto sa klase. Minsan mabilis na tumatakbo ang ating isipan at nadidistract tayo sa klase. Minsan kapag gutom tayo, naiisip natin ano na ang kakainin natin sa break? Minsan, excited tayong mag-uwian at iniisip na saan tayo gagala kasama ang mga kaibigan. Ang iba naman ay iniimagine ang kanilang crush o mga bf at gf. Ilan lang ito sa mga distractions sa klase. Maaari itong maiwasan kung kayo ay aktibo sa pakikilahok sa lecture ng teacher ninyo.

Ano ba ang active learner? Kapag ikaw ay active learner, hindi ka nakaasa sa teacher mo para sa iyong pagkatuto. Nakikinig ka at pinupulot mo ang mga bagay na kailangan mong matutunan. Isang propesor sa isang International University ang nagsabi na ang pagkatuto ay parang panganganak. Malalaman mo na natuto ka kapag ito ay nagbunga ng bagong ideya o mga realizations. Ibig niyang sabihin, hindi sapat na may nalaman lang tayong bagong impormasyon, kundi may bago tayong naisip mula sa mga impormasyon na natutunan natin.

Mga maaring gawin upang maging active learner:

  • Magsulat ng notes– Magsulat ng notes ng main points ng sinasabi ng guro. Bukod dito, mas mabisa na isulat ang mga bagong natutunan mula sa discussion at lecture sa klase. Maaari ding magsulat ng mga tanong habang nagdidiscuss ang teacher.
  • Magtaas ng kamay at sumagot sa klase– Kung tayo ay handa, hindi tayo matatakot na magtaas ng kamay at sumagot sa klase. Bukod sa grade sa recitation, nakakatulong ang pagtaas ng kamay at pagtayo para maging alive at alert ang ating katawan.

Tip #3: Magreview Pagkatapos ng Klase

Hindi natatapos ang pag-aaral pagkalabas ng classroom. Ang tunay na pagkatuto ay nagaganap sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan. Ilan sa mga pwedeng gawin pagkatapos ng klase:

  • Magreview ng notes– Ayon sa mga pag-aaral, nakabubuti na i-review ang notes pagkatapos ng isang araw. Nakakatulong ito upang ma-process ng ating isip ang napag-aralan natin. At kapag nagreview tayo ng notes, makakatulong ito na ma-retain sa ating isipan. Hindi lang ito mapupunta sa short-term memory na kalimitang nangyayari kapag nagkacram tayo, ngunit mas magiging long-term ang pagkatuto natin kung regular ang pagre-review natin ng notes.
  • Magbahagi sa iba– Isa sa mga paraan para malaman natin na talagang naintindihan natin ang isang concept ay kung kaya natin itong ituro sa iba. Kapag kaya nating ipaliwanag ito sa ating sariling salita at matulungan ang iba na maintindihan din nila ito, sigurado tayong na-gets natin ang natutunan natin. Isa pa, habang binabahagi mo ito sa iba, habang tumatatak ito sa iyong isipan.

 

Ilan lamang ito sa mga tips na maaari nating gawin upang ma-maximize ang learning natin habang nasa klase tayo. Tandaan na ang pagkatuto ay iyong desisyon din at pinaglalaanan ng effort.

Ano ang effective study habits mo? Paki-share sa amin. Pwede mong i-comment o i-message ang study tips mo sa Mormons.ph.

Abangan ang mga susunod pang tips sa pag-aaral.