Panahon na naman ng tag-ulan at pagbaha. Handa na ba tayo? Ito ang panahon na kailangan nating maging alerto sapagkat ang mga kalamidad ay maaring dumating kahit anong oras. Sa panahon ng kalamidad, minsan ay kailangan nating lumikas sa ating mga tahanan. Sa ating paglikas, tayo ay pinapayuhang magdala ng 72-hour kit. Ano nga ba ang dapat laman ng ating nito?
 

Pagkain

Sa paghahanda ng pagkain, kailangan nating alalahanin na maaring may kapamilya tayong may allergies sa mani o iba pa. Mainam na ang 72-hour kit ay magawa sa bawat membro ng pamilya.

Ugaliing tingnan ang expiry date ng mga pagkain. Kailangan na ang mga pagkain ay magtatagal ng anim na buwan o isang taon para hindi ito kailangang palitan ng maraming beses. Ang mga pagkain ay kailangan rin maaring kainin kahit walang lutuan o kuryente: delata na maaring buksan kahit walang can-opener, biskwit, dried fruits, granola bars, atbp. Importante rin na magdala ng tubig na maiinom sa loob ng tatlong araw.
 

Damit at Kumot

Magdala ng damit at mga panloob na gagamitin sa tatlong araw. Pumili lamang ng damit na hindi masyadong magpapabigat sa lagayan ng 72-hour kit. Magdala rin ng kumot na magagamit tuwing malamig ang panahon.
 

Radyo at Cellphone

Ang de-bateryang radyo ay makakatulong upang manatili tayong updated sa mga balita. Ito ay magbibigay sa atin ng impormasyon sa lagay ng panahon. Mahalaga ring dalhin ang cellphone upang makatawag ng rescue kung kinakailangan. Magdala ng extrang baterya para sa radio at power bank para sa cellphone. Siguruhing nakalagay ang lahat ng nabanggit sa plastic bag para hindi ito mabasa.
 

Lighter, Posporo, Kandila at Pito

Mahalagang magdala tayo ng mga bagay na magagamit natin upang makuha ang atensyon ng mga rescuers lalo na kung nakatira tayo sa liblib na lugar. Ilagay ito sa plastic bag upang hindi ito mabasa.
 

Medikasyon at First aid kit

Magdala ng medikasyon lalo na kung ang ilang membro ng pamilya ay umiinom ng maintenance medicine para sa altapresyon at iba pa. Magdala rin ng first-aid kit.
 

Mahahalagang Dokumento

Ilagay sa plastic ang mga mahahalagang dokumento katulad ng mga titulo, kontrata, marriage contracts, birth certificates, atbp. Siguruhing ang mga ito ay hindi mababasa.
 

Gatas, Diapers at iba pang kailangan ng mga bata

Sa mga may mga maliliit pang mga anak, magdala ng gatas, diapers, wet wipes, at distilled water na maaring gamitin sa loob ng tatlong araw. Kung maaari ay sobrahan ng kaunti ang supply para sa mga bata dahil sila ay hindi makatitiis ng pagkagutom.

Hindi natin maiiwasan ang pagdating ng mga kalamidad. Ang maari nating gawin ay ang maghanda. “Kung [tayo] ay handa [tayo] ay hindi matatakot” (D&C 38:30). Ito man ay isang simpleng paghahanda ngunit ito ay maaaring makapagligtas hindi lamang ng isa kundi maraming buhay.

Ilan lamang ang mga ito sa mga pwede nating ilagay sa ating 72 hour kit. Maari kayong magdagdag pa sa pamamagitan ng pagkomento sa artikulong ito para matulungan natin ang mga magbabasa na maghanda para sa mga kalamidad ngayong panahon ng tag-ulan.