Pagka-graduate ko sa college, gusto ko sanang magtrabaho sa isang microfinance company. Nagustuhan ko kasi ang idea na magturo sa mga tao tungkol sa financial literacy na nalaman ko na ginagawa ng mga ganitong kompanya. When I learned about a job opening, hinanda ko ang resume ko at pumunta sa opisina nila para ma-interview. Wala pang isang minuto akong nakakaupo, nabasa ng interviewer na Mormon ako. Mukhang may ideya siya sa mga paniniwala ng mga Mormon kaya tinanong niya ako, “Naniniwala ba ang mga Mormon sa trinity?” Ang sagot ko sa tanong na iyan ang naging dahilan ng resulta ng interview.
Unang ginamit ang salitang trinity sa salitang Griego noong 170 AD. Ipinaliwanag ng interviewer ko na born again Christian ang kahulugan ng trinity gaya ng itinuro ng mga Katolikong Katekista sa mga klase ko noon. Ang trinity ay ang paniniwala na ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo ay tatlong persona na nasa iisang katauhan lamang. Ang paniniwalang ito ay karaniwan sa mga relihiyong Kristiyano.
Ano ang naging sagot ko sa tanong ng interviewer kung naniniwala ba ang mga Mormon sa trinity? Direkta kong sinabi na hindi. Ang mga Latter-Day Saints o mas kilala bilang mga Mormon ay naniniwala na magkakahiwalay na nilalang ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Silang tatlo ay iisang Diyos dahil iisa ang kanilang layunin ngunit silang tatlo ay magkakahiwalay na nilalang.
Malinaw itong mailalarawan sa pangitain na naganap kay Joseph Smith.
Noong 1820, 14 na taon lamang si Joseph Smith noon, ay may kakaibang sigasig sa relihiyon ang mga tao sa Manchester, New York kung saan siya nakatira. Gusto niyang maging miyembro sa isa sa mga simbahan pero gusto niyang malaman muna kung alin sa mga ito ang totoo. Matapos mabasa ang Santiago 1:5 na nagsasabing, “Ngunit kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Diyos, na nagbibigay ng sagana sa lahat, at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kanya,” nagpasya siyang magtanong sa Diyos. Pumunta siya sa isang kakahuyan at nagdasal. Habang nananalangin, naganap ang kanyang pangitain. Sa sariling mga salita ni Joseph:
“Ako’y nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo … Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang katauhan … Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin at nagsabi, tinuturo ang isa—Ito ang Aking pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya.”
Sa pangitaing ito, nakita ni Joseph Smith ang Ama sa Langit at si Jesucristo bilang dalawang magkahiwalay na nilalang. Nang ikwento ito ni Joseph sa isang ministro noong panahong iyon, hindi siya pinaniwalaan dahil taliwas ito sa karaniwang paniniwala sa “trinity” ng mga relihiyong Kristiyano. Gayunpaman, kahit hindi pinaniwalaan si Joseph Smith ng mga tao sa kanyang nakita, sinabi niya, “Ako’y tunay na nakakita ng liwanag, at sa gitna ng liwanag na yaon, nakakita ako ng dalawang katauhan, at sa katotohanan ay kinausap nila ako; at bagaman kinamuhian ako at inusig sa pagsasabi na nakakita ako ngpangitain, gayon man ito’y totoo; at habang ako’y kanilang inuusig, ako’y kanilang nilalait, at nagsasabi ng lahat ng uri ng kasamaan laban sa akin nang walang katotohanan sa pagsasabi nito, dahil dito ay nasabi ko sa aking puso: … Ako ay tunay na nakakita ng pangitain … Bakit iniisip ng sanlibutan na ipagkakaila ko ang aking tunay na nakita?”
Sa panalangin ni Jesus sa Juan 17 sa Bibliya, makikita natin ang kahulugan kung paano naging isa si Jesus sa Ama sa Langit. Sinasabi sa talata 11, “Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan yaong mga ibinigay mo sa akin, upang sila’y maging isa, na gaya naman natin.” Mauunawaan natin dito na iisa ang Diyos Ama at Anak sa layunin at kahit tayo ay maaaring maging isa sa Kanila kung “makikiisa” tayo sa kalooban Nila.
Balik sa aking job interview…
Pagkatapos kong ipaliwanag sa interviewer na hindi naniniwala ang mga Mormon sa trinity, magalang niyang ipinaliwanag sa akin na magkakaroon ng conflict sa mga pinaniniwalaan ko at sa mga nais nilang ipaturo sa akin sa mga tao kung matatanggap ako. Sa madaling salita ay hindi ako na-hire sa trabahong iyon. Gusto ko talaga ang trabahong iyon kaya medyo nalungkot ako. Pero ngayon, ang puso ko ay mas puno ng pasasalamat dahil sa isang batang lalaking nagngangalang Joseph Smith na nagtanong sa Diyos. Dahil dito ay nalaman niya kung ano ang tunay na katangian ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Gaya niya, sinunod ko ang Santiago 1:5. Nagtanong din ako sa Diyos at nalaman ko rin na si Joseph Smith ay isang propeta at ang kanyang pangitain ay totoo. Naniniwala ako bilang isang Mormon na ang mapagmahal na Ama sa Langit, si Jesucristo at ang Espiritu Santo ay tatlong magkakahiwalay na nilalang na may iisang layunin.